HINDI TAYO NATALO; ITO ANG TUNAY NA SIMULA
A Message from the CEO & Chairman
Ika-14 ng Marso 2022, kahit walang kasiguraduhan, tumindig Ang Silab na suportahan ang kandidatura nila Leni at Kiko bilang susunod na pangunahing opisyal ng bansa sa darating na eleksyon sa Mayo 2022. Mahirap dahil unang-una, hindi naman natin sila aktwal na nakasalamuha, ni hindi nga natin alam kung kilala nila tayo. Pero bakit tayo tumindig na sila ang suportahan? Dahil isa tayo ng paniniwala: pagwasak sa kasinungalingan, pagpapalakas ng kapwa upang makatayo sa sarili nilang mga paa, pagtutuwid sa mga mali, at ang pagpuksa sa kahit katiting na bahid ng katiwalian.
Tunay na bata pa at bago maging ang inyong mga pinagkatiwalaan na umupo sa inyong Board of Trustees. Ngunit sa mga maliliit na hakbang na ginagawa, bagamat batid naming magiging mahirap, pipilin pa rin natin ang tama.
Ngayon, alam ko na karamihan sa atin nagdurugo ang puso, hindi makakilos nang maayos, at natatakot sa paparating na bukas na hindi natin alam kung ano nga ba.
Normal ito at hindi invalid ang inyong nararamdaman.
Kaya gusto kong iparating sa inyo, iba-iba man ang ating paniniwala, naging dismayado sa kapwa dahil sa mga desisyong ginagawa, mananatiling ilaw sa dilim Ang Silab. Papaano? Simulan sa pag-aaral nang mabuti, paghusayan ang pag-aaral upang maging karapat-dapat na maging mga lider ng susunod na henerasyon. Ipagpatuloy ang natutunan natin sa nagdaang pitong buwan: ang magmahal, ang maging tapat, ang pagpuksa at pagtama sa mali, at ang magpatawad. Kasama nito, panagutin ang lahat ng mga may kinalaman sa mga gawaing masama; simulan natin sa tahanan, sa paaralan, sa simbahan, sa komunidad, at dito mismo sa pinakamamahal nating Silab.
Hindi tayo natalo. Itong naglalagablab na damdaming kamtin ang pagbabago at rosas na bukas ang siyang tunay na bunga ng kilusang ito-ang pagbubukas ng sarili upang tunay na magkaisa at maihain ang dunong at kakayahan upang pagyamanin ang kapwa at bayan.
Huwag nating hayaang na pati ang pag-asa ay makuha pa sa atin.
Ito ang tunay na simula. Drops make ripples. •
TYRON JUSTINE O. PADUA
CEO & Chairman
Ang Silab
Published on 11 May 2022 at 06:48PM PST.